11,000 pulis ipakakalat sa Metro Manila para sa Semana Santa
Mahigit 11,000 mga pulis ang ipakakalat sa Metro Manila para bantayan ang mga Simbahan sa kasagsagan ng Visita Iglesia at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa Semana Santa.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, mahigpit na seguridad din ang ipatutupad sa mga terminal para sa pag-uwi ng libu-libong katao sa mga lalawigan.
Mayroon anyang police assistance desks na itatayo sa Manila Cathedral, San Agustin Church, Quiapo Church at Baclaran Church para sa mga deboto.
Babantayan din ang mga subdivision para maiwasan ang mga insidente ng nakawan.
Inatasan ni Eleazar ang mga district directors ng NCRCPO at 38 police commanders na paigtingin ang kampanya kontra loose firearms at pagsisilbi ng warrant laban sa mga nagkasala sa batas.
Nais ng police official na malinis ang mga lansangan sa masasamang loob upang hindi makabiktima ang mga ito sa kasagsagan ng Semana Santa.
Iginiit naman ni Eleazar na walang namomonitor na banta sa seguridad sa Metro Manila ngunit pinayuhan nito ang publiko na isumbong ang mga kahina-hinalang indibidwal at bagay sa kanilang mga lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.