Patok ngayon sa social media ang mga larawan at videos ng dalawang Filipino hikers na matagumpay na umakyat at narating ang anila ay “Kamuning Summit.”
Ang tinutukoy ng dalawa ay ang matarik sa flyover sa Kamuning, Quezon City na unang umani ng batikos kaya binago ang disenyo.
Nagkatuwaan sina Albert Labrador at Mario Gregorio Aglipay na akyatin ang flyover kasama ang photographer na si Bong Manayon.
Nagsimulang akyatin ng dalawa ang Kamuning flyover alas 5:50 Lunes ng umaga at makalipas lamang ang limang minuto ay narating na nila ang “summit.”
Ayon kay Labrador, suot niya ang hiking gear na kanyang ginamit sa kanyang 1992 expedition ng Karakoram Himalaya.
Pero imbes na oxygen ay naisipan ng dalawa na mas mabuti na gas mask ang kanilang dalhin.
Pabiro naman nilang sinabi na ang pinaka-challenging sa kanilang expedition ay ang huwag pansinin ang mga MMDA personnel.
Pagdating sa “summit” ng flyover ay naramdaman nina Labrador at Aglipay ang paggalaw ng flyover dahil sa dumaan na tren ng MRT 3.
Pero masaya ang dalawang hiker na na-conquer nila ang masasabing pinakamataas na flyover sa bansa.