Maliban sa kailangang paunahin sila sa pila, kailangan din na maging maginhawa ang paraan ng pagboto ng mga senior citizen at mga Pilipinong may kapansanan.
Ito ang sinabi ni reelectionist Senator Sonny Angara kaugnay sa napakahirap na sitwasyon ng PWDs at seniors sa tuwing araw ng botohan.
Dahil dito, nanawagan si Angara sa Commission on Elections na masusing ipatupad ang batas na naglalayong bigyan ng sariling polling precincts ang mga nakatatanda at ang mga may kapansanan upang hindi na mahirapan ang mga ito na makisabay sa iba pang mga botante tuwing eleksyon.
Sa kabila nang umiiral na batas, ang Republic Act 10366 na pinagtibay noon pang 2013, at ang regular na pagpapaalala ng Comelec sa mga polling precinct na maging paborable sa kalagayan ng mga nakatatanda at PWDs, nakatatanggap pa rin sila ng reklamo mula sa publiko ukol dito.
Isa umano sa mga madalas ireklamo ng “vulnerable voters” ang pag-akyat sa matataas na hagdan para lang makarating sa kanilang polling precincts.
“I hope that this coming election, the Comelec will be more proactive in ensuring that not a single PWD or senior citizen is disenfranchised only because our polling centers cannot accommodate their needs,” ayon kay Angara.
Sa ilalim ng batas, nakasaad na ang polling precincts para sa PWDs at senior citizens ay dapat na nasa ground level at malapit sa entrance.