PET at hindi COMELEC ang dapat magdesisyon sa mga kaso laban kay Poe-Brillantes
Hindi ang Commission on Elections (COMELEC) ang dapat na mag-desisyon kung hindi kwalipikado si Sen. Grace Poe na ipagpatuloy ang kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo.
Ayon kay dating COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr., tanging ang Presidential Electoral Tribunal (PET) lamang ang may kakayahang magdesisyon at magdeklara kung kwalipikado o hindi ang isang kandidato tulad ni Poe.
Aniya, ang tanging tungkulin ng COMELEC sa ganitong sitwasyon, ay tukuyin kung mali o mapanlinlang ang mga impormasyong isinumite ni Poe sa kaniyang certificate of candidacy (COC).
Tanging ang PET din lamang ani Brillantes, at hindi ang Korte Suprema ang mag-resolba sa mga kasong ibinabato kay Poe na may kaugnayan sa kaniyang residency at citizenship.
Pero, mangyayari lamang ito kung mananalo ang senadora bilang pangulo sa darating na 2016 elections, at doon na maaaring iharap sa PET ang lahat ng mga kasong diskwalipikasyon laban sa kaniya.
Binuo ng batas ang PET noong 1985 upang dinggin ang mga protesta at reklamong diskwalipikasyon para sa pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas.
Siyam na kasapi ang bubuo sa PET na pamumunuan ng Chief Justice, dalawang iba pang justices na itatalaga ng Chief Justice, at tig-tatlo naman mula sa majority at minority party ng Kongreso na mapipili ng kanilang mga miyembro.
Matatandaang diniskwalipika ng Second Division ng COMELEC ang pagkandidato ni Poe bilang pangulo nito lamang Martes, at pumabor sa inihaing kaso ng abogadong si Estrella Elamparo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.