Angara, isinulong ang 24/7 public library sa bawat LGU
Hinimok ni reelectionist Senator Sonny Angara ang mga lokal na opisyal na ikunsiderang magtayo ng mga public library sa kani-kanilang mga lugar para sa mga estudyante na nais mag-aral kahit gabi na.
Ayon kay Angara, imbes na gumastos ang mga estudyante sa coffee shops o fast-food na may libreng WiFi para lamang makapag-research, mas mainam na sa mga 24/7 public library na lamang sila magpunta dahil liban sa mas ligtas, mas nakaka-focus sila sa kanilang ginagawa.
Sinabi ng Senador, na tumatakbo sa platapormang “Alagang Angara,” ang 24/7 library na may libreng WiFi ay malaking tulong sa mga estudyante na inaabot ng gabi sa pag-aaral dahil magiging convenient ito sa kanila.
“Kung mayroon tayong mga 24-hour library, tiyak na mas maayos na magagawa ng mga estudyante ang kanilang mga takdang-aralin dahil tahimik ang lugar, maginhawa sa pakiramdam at ‘di kailangang gumastos para lamang makagamit ng wifi,” ani Angara na nasa Cebu araw ng Sabado kasama ang mga kapartido nito sa Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) para sa kanilang proclamation rally.
Ang Cebu City ang kauna-unahang bayan sa buong bansa na nakapagtayo ng 24/7 public library.
Nagsimula ang operasyon ng Cebu City Public Library noong Marso nang nakaraang taon.
Mula noon ay naitala na ang 296-percent increase sa bilang ng mga nagpunta sa library.
Bukod sa Cebu City, mayroon na ring 24/7 public library sa Makati at Quezon City sa Metro Manila.
Ayon pa kay Angara, chairman ng Senate Committee on Local Government, dapat na gawin din sa ibang bahagi ng bansa ang inisyatibo ng Cebu City government.
“We hope other mayors will follow this example set by Mayor Osmeña, who values the importance of education and cares about the welfare of students in his city,” dagdag ng mambabatas.
Isa ang libreng edukasyon, mula kindergarten hanggang kolehiyo, sa mga isinulong ni Angara kaya naging co-author ito ng Free College Education Law at Free Kindergarten Law habang ang ama nito na si yumaong dating Senate President Edgardo Angara ang may akda ng Free High School Act.
Si Angara ay isa rin sa mga may akda ng Student Fare Discount Act na nagpalawig sa 20 percent student fare discount na kabilang na ngayon ang air at sea transport.
Matatandaang noong Marso ay hinikayat ng Senador ang gobyero na bilisan ang implementasyon ng libreng internet access sa mga pampublikong lugar sa ilalim ng Republic Act 10929 partikular sa mga state universities and colleges.
Sa ilalim ng batas, ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pangunahing ahensya na mangangasiwa sa free WiFi program.
Pero sinabi ni Angara na sa 112 SUCs na sakop ng proyekto, 17 lamang ang binigyan ng free WiFi connectivity hanggang December 2018, base sa datos ng DICT na isinumite sa Senado noong budget hearing.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.