14 patay sa operasyon ng pulisya sa Negros Oriental
Labing-apat na katao ang nasawi sa isinagawang operasyon ng pulisya kontra kriminalidad sa Negros Oriental.
Pero ayon sa Kabataan party-list, ang mga namatay ay pawang mga magsasaka.
Ayon kay Negros Oriental Provincial Police Office head Col. Raul Tacaca, patay ang 14 na suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa Canlaon City at sa mga bayan ng Manjuyod at Sta. Catalina.
Walo anya ang namatay sa Canlaon City, apat sa Manjuyod at dalawa sa Sta. Catalina.
Nagsilbi ng search warrants ang pulisya laban sa mga suspek pero nanlaban umano ang mga ito.
Sa hiwalay na pahayag ay kinilala ng Kabataan party-list ang ilan sa mga napatay na sina Ismael Avelino, Edgardo Avelino, Melchor Pañares, Mario Pañares, Rogelio Ricomuno, Ricky Ricomuno, Gonzalo Rosales at Genes Palmarea.
Samantala, 12 iba pang suspek ang inaresto.
Kinondena ng Kabataan party-list ang pagpatay sa 14. Ayon sa grupo, nangyari ang insidente Biyernes ng gabi nang pasukin ng 10 uniformed personnel ang bahay ng mga napatay.
Taliwas sa sinabi ng otoridad, wala umanong ipinakitang search warrant.
Ayon kay Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, sinabi ng asawa ng isa sa mga napatay na si Edgardo Avelino na pinasok ang kanilang bahay ng mahigit 10 unipormadong lalaki.
Mayroon anyang isisilbing search warrant pero walang maipakitang papel ang mga ito.
Kasunod na anya ang pamamaril lay Edgardo at sa kapatid nitong si Ismael.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.