Mga Pinoy pinayuhan ng BFAR na umiwas muna sa Panatag Shoal
Pinayuhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga mangingisda na umiwas muna sa Scarborough (Panatag) Shoal.
Ito ay kaugnay pa rin sa dumaraming reklamo ng harassment laban sa mga mangingisdang Pinoy sa lugar na umano’y kagagawan ng ilang Chinese fishermen.
Sinabi ni BFAR Director Eduardo Gongona na dapat iwasan ang pagtaas ng tension sa lugar kaya sila naglabas ng nasabing babala.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na habang gumagawa ng hakbang ang pamahalaan sa isyu ay dapat manatili muna sa mga municipal waters ang mga mangingisdang Pinoy.
Sinabi pa ni Gongona na mga high value fish ang nakukuha sa Panatag shoal pero hindi naman marami ang mga ito.
Nauna na ring sinabi ng Northern Luzon Command na hindi pa kumpirmado ang mga ulat na panggigipit sa mga mangingisdang Pinoy sa Panatag Shoal.
Kung totoo man ito, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na maghahain ng panibagong reklamo ang pamahalaan laban sa pangha-haraas ng mga Chinese fishermen sa West Philippine Sea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.