Ang pagtanggi ni Nic Gabunada ay matapos alisin ng FB ang daang daang pages at accounts dahil sa pagpapakalat umano ng mga pekeng impormasyon.
Ayon kay Gabunada, dati siyang miyembro ng mga grupo na tinanggal ng Facebook dahil parte siya ng election campaign ni Duterte tatlong taon na ang nakalipas.
Pero giit nito, hindi siya bumuo ng network at hindi siya nanloko ng publiko.
Itinanggi rin ni Gabunada na nagkalat siya ng disinformation at fake news.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang kinalaman ang pangulo sa tinanggal na mga accounts.
Una nang sinabi ng FB na ang tinanggal na mga pages at accounts ay dahil lumabas na ang mga ito ay nagpakita ng “cluster of coordinated behavior” gaya ng gawi ng tinatawag na mga troll.