Ipapataw na parusa sa Manila Water, ipinaaaral na sa regulatory office ng MWSS

Radyo Inquirer Photo
Inatasan ng Board of Trustees ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang kanilang Regulatory Office na alamin na ang posibleng parusa na maaring maipataw laban sa Manila Water matapos ang naranasang krisis sa tubig sa Metro Manila at Rizal.

Sa pahayag, sinabi ng MWSS na napagkasunduan unanimously ng board ang pagpasa ng Resolution No. 2019-052.

Sa nasabing resolusyon, inaatasan ang MWSS Regulatory Office (RO) na aralin na ang pagpapataw ng penalties sa Manila Water at ang pagsuspinde sa pagtaas ng singil sa tubig.

Ito ay dahil sa kabiguan umano ng Manila Water na makasunod sa isinasaad ng Article 10.4 ng concession agreement.

Inatasan din ang Regulatory Office na isumite ang rekomendasyon nito sa board at tiyaking may “factual” at “legal basis” ang anumang irerekomenda.

Nilagdaan ang resolusyon nina MWSS board chairman Franklin Demonteverde, vice chairman at MWSS administrator Reynaldo Velasco at mga board member na sina Melchior Acosta Jr, Mariano Alegarbes, Merly Cruz, Jose Hernandez, Valeriano Pasquil, Melanie Sia-Lambino at Elpidio Vega.

Read more...