Ang nasabing mga account, pages at groups ay binuo ng communications strategist na si Nicanor Gabunada Jr., na siyang nasa likod ng social media campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pahayag ni Nathaniel Gleicher, Cybersecurity Policy head ng Facebook, 67 pages, 68 accounts, 40 groups at 25 Instagram accounts ang kanilang tinanggal.
Batay aniya sa kanilang imbestigasyon, sinabi ni Gleicher na ang mga ito ay nabibilang sa network na inorganisa ni Gabunada.
Sa press briefing sa tanggapan ng Facebook Philippines sa Taguig, kinapapalooban ito ng mga authentic at mga pekeng account.
Ang mga account, group at page ay ginawa para mag-boost umano ng mga mensahe o komento pabor sa ilang kandidato.
Ang mga inalis na pages ay mayroong mahigit 3.6 million folowers at 1.8 million naman ang followers ng mga inalis na accounts.
Sa pagsisiyasat ng Facebook, bagaman ginawa na parang normal at independent account ay magkakaugnay at coordinated ang mga post sa mga account at page at pawang may kaugnayan ito sa eleksyon at ilang lokal na kandidato.
Sa report ng Philippine Daily Inquirer noong 2016, tinukoy si Gabunada bilang nasa likod ng social media campaign ni Pangulong Duterte.