Ito ang iginiit ng kampo ni Poe sa pamamagitan ng kaniyang legal counsel na si Atty. George Erwin Garcia.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Garcia na hangga’t walang pinal na pasya ang Comelec en banc sa ihahain nilang motion for reconsideration, dapat ay kasama pa rin si Poe sa official list ng mga kandidato para sa 2016 presidential elections. “Halimbawa po, inumpisahan na ang pag-imprenta ng balota pero wala pang final decision ang Comelec En banc sa ihahain naming MR, dapat nasa balota pa rin ang name ni Sen. Poe,” ayon kay Garcia.
Sa Lunes maghahain ng apela ang kampo ni Poe at tiwala itong papaburan sila ng en banc ng Comelec.
Aminado naman si Garcia na kung magkakaroon ng pinal na desisyon ang Comelec en banc at disqualification din ang magiging pasya, ay may kapangyarihan ang en banc ng poll body na ipag-utos na hindi mapasama ang pangalan ni Poe sa mga kandidatong ilalagay sa balota.
Ito ay kahit pa umapela si Poe sa Korte Suprema.
Bagaman kumpiyansang papaburan sila ng Comelec en banc, sinabi ni Garcia na nakahanda rin silang makaabot sa Korte Suprema ang usapin.
Iginiit ni Garcia na ang isang bata ay hindi dapat ituring na hindi natural-born Filipino citizen nang dahil lamang siya ay isang “foundling”.