Kustodiya kay Pemberton, pinag-agawan ng US security at PNP
Sinubok ng Estados Unidos ang utos ng korte kung saan talaga pansamantalang ikulong si US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton.
Pinagagawan ng mga kawani ng US security at ng mga tauhan ng Philippine National Police ang kustodiya kay Pemberton matapos siyang mahatulang guilty sa kasong homicide dahil sa pagpatay nito sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong nakaraang taon.
Nakasaad sa desisyon ni Regional Trial Court Judge Roline Ginez-Jabalde, na pansamantalang dapat dalhin muna sa New Bilibid Prison si Pemberton habang wala pang desisyon alinsunod sa Visiting Forces Agreement kung anong ahensya ng gobyerno ang mamamahala sa kustodiya nito.
Ngunit tumanggi ang US security personnel na ipaubaya na sa PNP si Pemberton na dapat ay dadalhin na sa New Bilibid Prisons dakong 4:30 ng hapon.
Makalipas ang isang oras, naghain ng bagong mosyon ang mga abogado ni Pemberton na humihiling sa korte na linawin kung saan talaga dapat dalhin ang kanilang kliyente.
Pagdating ng 6:30 ng gabi, naglabas na ang korte ng ruling na nag-aatas na ibalik na lamang muna si Pemberton sa Joint US Military Assistance Group (Jusmag) sa loob ng Camp Aquinaldo, Quezon City.
Doon muna mananatili si Pemberton sa loob ng limang araw hangga’t hindi pa nagkakasundo ang Visiting Forces Agreement (VFA) Commission,Department of Justice (DOJ), PNP at US Embassy kung saan ba talaga siya dapat ikulong.
Pasado alas-9 ng gabi na dumating si Pemberton sa Camp Aguinaldo at sinabi ni Armed Forces of the Philippines public affairs office chief Col. Noel Detoyato na ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nagbabantay sa kaniya at hindi mga tauhan ng US military.
Bukod sa pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon, kailangan din magbayad ni Pemberton ng P4,585,250 sa pamilya ni Laude.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.