Zobel de Ayala brothers inako ang responsibilidad sa water crisis

Inako ng magkapatid na sina Jaime Augusto at Fernando Zobel de Ayala ang responsibilidad sa mga naging pagkukulang ng Manila Water na nagresulta sa water shortage sa Metro Manila.

Ang Manila Water ay subsidiary ng Ayala Corporation.

Sa pahayag ng magkapatid araw ng Miyerkules, sinabi ng mga ito na naiintindihan nila ang hirap na nararanasan ngayon ng kanilang mga customers dahil sa water crisis.

Kabilang anya sa ginagawa upang matulungan ang mga customers ay ang boluntaryong pagtanggal ng Manila water sa minimum charge para sa buwan ng Marso habang full bill waiver naman para sa mga pinakaapektadong customers.

Tinitingnan na rin anila ng Manila Water ang lahat ng opsyon upang maibalik sa normal ang serbisyo.

Kasabay ng paghahanap para sa agaran at pangmatagalang solusyon sa problema sa tubig, nanawagan ang Zobel de Ayala brothers sa publiko na magtipid sa tubig.

“Again, we recognize our shortcomings in the situation. We will double our efforts to restore services to the high levels that we have had and to ensure that future shortages such as these will not be repeated,” pahayag ng magkapatid.

Umapela ang dalawa sa pang-unawa ng publiko at sisiguruhin anila na hindi na mangyayari ang kahalintulad na problema sa hinaharap.

Read more...