Sinabihan ng Lapu Lapu City Prosecutor Office ang mga magulang ng 17 anyos na suspek sa pagpatay kay Christine Silawan na ibalik ito sa youth care facility.
Kinumpirma ni Lapu Lapu City Prosecutor Ruso Zaragosa na nakipagkita siya sa ina ng menor de edad na suspek at pumayag ito na ibalik ang kanyang anak sa Lapu Lapu City Home Care Center para sa proteksyon nito.
Pero nilinaw ni Zaragosa na hindi ituturing na pagkakulong ang pananatili ng suspek sa pasilidad kundi bilang isang protective custody.
Ang hakbang ng piskal ay kasunod ng pagkuwestyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalaya sa suspek.
Ayon kay Zaragosa, tinawagan siya ng Pangulo bago ang talumpati nito sa South Cotabato at tinanong kung bakit pinakawalan ang suspek.
Pero nanindigan ang prosecutor na ang hiling niya sa magulang ng suspek na ibalik ito sa home care facility ay hindi nangangahulugan na binaligtad na niya ang kanyang resolusyon na palayain ang binatilyo.
Paliwanag ni Zaragosa, delikado ang kaligtasan ng suspek dahil sa mga banta laban dito lalo na sa social media mula sa mga taong nadismaya sa kanyang paglaya.
Hiniling din nito kay Police Captain Limuel Obon, director ng Lapu Lapu City Police Office na magtalaga ng mga pulis sa home care facility para matiyak ang kaligtasan ng suspek.