Dami ng kaso ng rape sa Bicol, ikinaalarma

 

Mula sa Google Maps

Ikinabaha ng mga otoridad ang pagdami ng kaso ng panggagahasa sa Bicol sa loob lamang ng sampung buwan.

Sa kabila kasi ng pagbaba ng bilang ng mga naitatalang index crimes, simula January hanggang October ay umabot na sa 22 percent ng bilang ay binubuo na ng mga kaso ng rape mula sa dating 14 percent.

Kung ikukumpara sa record ng index crimes noong 2014 na nasa 13,592, bumaba na ito ng 13 percent at naging 9,882 na lamang.

Labis na ipinagtaka ito ni Police Regional Director Chief Supt. Augusto Marquez na naitalaga sa pwesto nito lamang September, dahil di hamak na sobrang taas na nito kumpara sa limang porsyento pababa na mayroon sa ibang mga rehiyon.

Nagulat aniya siya dahil bilang dating bahagi ng Directorate for Investigation and Detective Management, alam niyang kadalasan ay hindi lumalampas sa limang porsyento ng mga naitatalang krimen ang mga kaso ng rape.

Isinasantabi naman ni Marquez ang laganap na pag-inom ng alak, paggamit ng droga at kahirapan sa rehiyon sa mga posibleng rason at naniniwalang may mas malalim pang dahilan sa likod nito.

Base naman sa mga datos, aniya ang mga naitalang kaso ng rape sa kanila ay kadalasang inihain matagal na panahon na matapos ang mismong insidente, at hindi aniya ito mga walk-in victims.

Karamihan aniya sa mga nasa record ay resulta ng mga assemblies na isinasagawa ng mga pulis upang magbigay kaalaman tungkol sa pang-aabuso sa mga kababaihan at mga bata.

Naniniwala din si Marquez na hindi pa ito ang lahat ng kasong naganap sa Bicol at na mayroon pang hindi naiuulat sa kanila.

 

Read more...