Aquino, nagbabala sa patuloy na pag-utang ng gobyerno sa China

Binalaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang administrasyong Duterte sa mga pinapasok nitong loan agreements sa China.

Sa forum ng Otso Diretso sa Cebu City, sinabi ng dating presidente na hindi na natuto ang bansa sa isyu ng North Rail project.

“Parang hindi na tayo natuto doon sa North Rail (project),” ani Aquino

Ang North Rail project na inilunsad sa ilalim ng administrasyon ni House Speaker Gloria Arroyo ay inilunsad noong 2004 kung saan uutang dapat ang bansa ng $400-million sa China.

Kinansela ang 80-kilometer project na layon sanang ilipat ang main aviation gateway ng bansa dahil sa isyu ng kickback ng mga tauhan ni Arroyo.

Ikwinento rin ng dating pangulo ang naging sitwasyon ng isang bansa sa Asya na hindi nakabayad sa port na kalaunan ay nasadsad sa utang o ‘debt trap’ sa China.

Iginiit ni Aquino na marami namang nag-aalok ng mas murang official loans sa Pilipinas.

Ang pahayag ng dating presidente ay sa gitna ng babala ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na maaaring kunin ng China ang natural gas deposits sa Reed Bank kung hindi mababayaran ng bansa ang US$62-million para sa Chico River Irrigation Loan Agreement.

Read more...