Ibinulgar ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na noong kaniyang kabataan ay na-molestya siya ng isang pari.
Ayon kay Duterte, nakaranas umano sila ng kaniyang mga ka-batch ng sekswal na pang-aabuso sa kamay ng mga pari sa Ateneo de Davao University kung saan ginugol ng alkalde ang ilang bahagi ng kaniyang pag-aaral sa high school.
Handa aniya siyang isiwalat ang kontrobersyang ito, pati na ang prominenteng pangalan ng mga sangkot dito.
Ito ay isa sa mga hamon ni Duterte nang bweltahan niya si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Archsbishop Socrates Villegas sa pambabatikos nito sa kaniyang moralidad.
Umusbong ang patutsadahan dahil sa pagmumura ni Duterte kay Pope Francis, at pati na rin sa palagi nitong pagmumura at pagbulgar niya ng kaniyang pambababae.
Samantala, kung binatikos siya ni Villegas, ipinagtanggol naman siya ng isang opisyal ng Archdiocese of Davao na si Msgr. Paul Cuison at sinabing hindi naman talaga si Pope ang intensyong murahin ni Duterte.
Giit ni Cuison, nakatuon ang nasabing reaksyon ni Duterte sa matinding sakripisyo ng mga tao dulot ng matinding trapiko, at hindi sa Santo Papa.
Dagdag pa niya, kailangang totoong makilala muna si Duterte para maintindihan ang kaniyang mga sinasabi, dahil hindi dapat literal na binibigyang kahulugan ang mga salitang binibitawan nito.
Naniniwala siya na hindi kayang bastusin ni Duterte si Pope Francis dahil kung sa kaniya lamang nga na isang ordinaryong pari ay rumerespeto na ang alkalde, di hamak naman aniya na mas mataas ang paggalang nito sa Santo Papa.