Matapos ma DQ ng Comelec 2nd Division, Poe nagsabing ‘tuloy ang laban’

By Jay Dones December 02, 2015 - 12:07 AM

 

Inquirer file photo

Maghahain ng Motion for Reconsideration sa en banc ng Commission on Elections ang kampo ni Senador Grace Poe.

Ito ay matapos i-disqualify ng COMELEC 2nd division si Poe na lumahok sa pampanguluhang halalan dahil sa residency issue.

Aminado si Senador Grace Poe na dismayado siya sa desisyon ng 2nd Division ng Commission on Elections na nagdi-disqualify sa kanya na tumakbo bilang Pangulo sa 2016 elections.

Gayunman , nangako ang senadora  na patuloy na isusulong ang laban upang igiit na isa siyang lehitimong Pilipino at may karapatan sa ilalim ng batas kahit isa siyang ‘foundling’ o hindi kilala ang mga tunay na magulang.

Naniniwala rin si Poe na may karapatan ang taumbayan na pumili ng sinumang gusto nilang maging lider upang mamuno sa bansa.

“Ikinalulungkot ko ang naging desisyon ng Comelec Second Division pero hindi po rito natatapos ang proseso. Patuloy po nating ipaglalaban ang karapatan ng mga batang pulot at ang pangunahing karapatan ng mamamayan na pumili ng kanilang mga pinuno,” giit ng senadora.

Patuloy din aniya ang senadora na pasok siya sa 10-year residency requirement para tumakbo bilang presidente .

Ayon naman sa tagapagsalita ni Poe na si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, gagamitin nila ang lahat ng legal na paraan upang iapela ang kaso ni Poe.

Umaasa si Gatchalian na pagdating ng kaso ng senadora sa Comelec en banc, ay mababaligtad ang naunang desisyon ng 2nd division na nagdidiskwalipika sa senadora na tumakbo sa halalan sa susunod na taon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.