Sa kaniyang pahayag sinasabi ni Acierto na binalewala lamang ng Malakanyang at ng PNP ang intelligence report na nagsasangkot kay presidential economic adviser Michael Yang sa kalakaran ng illegal na droga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Albayalde na napakaraming pagkakataon noon ni Acierto para ilabas ang kaniyang mga nalalaman kaya kwestyunable na bigla itong lumabas ngayon at nagbibigay ng mga pahayag.
Hindi naman matiyak ni Albayalde kung talagang mayroong isinumiteng report noon sa kaniya si Acierto na nagdedetalye ng pagkakasangkot ni Yang sa ilegal na droga.
Paliwanag ni Albayalde, sa araw-araw ay napakarami niyang natatanggap na report hinggil sa iba’t ibang mga kaso.
Kung totoo aniyang mayroong intelligence report si Acierto ay dapat ay dumaan ito sa normal na proseso at dapat dumaan sa directorate for intelligence ng PNP para sa validation.
Maliban dito, bilang deputy director noon ng PDEG, dapat aniya ay umaksyon na si Acierto sa kung anomang impormasyong hawak-hawak nito.