WATCH: Paglutang ni Ex Police Col. Acierto, kwestyunable ayon kay PNP Chief Albayalde
Duda si Philippine National Police chief Dir. General Oscar Albayalde sa paglutang ni dating Police Col. Eduardo Acierto, na naging deputy director for administration ng PNP Drug Enforcement Group (DEG).
Sa kaniyang pahayag sinasabi ni Acierto na binalewala lamang ng Malakanyang at ng PNP ang intelligence report na nagsasangkot kay presidential economic adviser Michael Yang sa kalakaran ng illegal na droga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Albayalde na napakaraming pagkakataon noon ni Acierto para ilabas ang kaniyang mga nalalaman kaya kwestyunable na bigla itong lumabas ngayon at nagbibigay ng mga pahayag.
Hindi naman matiyak ni Albayalde kung talagang mayroong isinumiteng report noon sa kaniya si Acierto na nagdedetalye ng pagkakasangkot ni Yang sa ilegal na droga.
Paliwanag ni Albayalde, sa araw-araw ay napakarami niyang natatanggap na report hinggil sa iba’t ibang mga kaso.
Kung totoo aniyang mayroong intelligence report si Acierto ay dapat ay dumaan ito sa normal na proseso at dapat dumaan sa directorate for intelligence ng PNP para sa validation.
Maliban dito, bilang deputy director noon ng PDEG, dapat aniya ay umaksyon na si Acierto sa kung anomang impormasyong hawak-hawak nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.