Isang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nagbunyag na nakunan ng litrato si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang dalawang Chinese na lalaki na sangkot umano sa illegal drugs.
Ayon kay dismissed Sr. Supt. Eduardo Acierto, nagpadala siya ng report sa Pangulo ukol dito at nagbabala siya kaugnay ng dalawang lalaki.
Sa isang press conference ay sinabi ni Acierto na hindi niya alam kung ano ang naging aksyon ng gobyerno sa isinumite niyang report sa matataas na opisyal ng pulisya noong December 2017.
Sa ngayon anya ay nahaharap pa siya sa reklamong may kinalaman sa droga at mayroong death threats kaya napilitan siyang magtago.
“In my investigation, I discovered that our president … is often accompanied by two people deeply involved in illegal drugs…What popped into my mind at the time was maybe the president isn’t aware that these are suspected drug lords,” pahayag ni Acierto sa video message na ipinakita sa mga mamamahayag bago ang press con sa Manila.
Samantala, ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Aaron Aquino, natanggap niya ang report ni Acierto at ipinadala niya ito sa tanggapan ng Pangulo.
Sa inisyal anyang imbestigasyon ay lumabas na ang isa sa mga Chinese ay walang kinakaharap na kasong droga sa bansa.
May isa anyang hinihinalang drug dealer sa Hilagang Pilipinas na kapangalan ng isa sa Chinese na lalaki na kinilala ni Acierto sa kanyang report pero kailangan pa anyang imbestigahan kung iisa lang ang lalaki.
Mali anya na sabihin na hindi inaksyunana ng report at katwiran pa ni Aquino, maraming larawan na makikita ang Pangulo kasama ang 2 Chinese na lalaki at madalas din anyang magpalitrato ang mga tao sa Paresidente nang hindi na nalalaman ang background ng nagpakuha.