90% water supply sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong, naibalik na
Unti-unti nang naibalik ang suplay ng tubig sa Barangay Addition Hills na isa sa mga labis na naapektuhan ng water supply shortage ng Manila Water. Ito ay matapos ang pagaksyon ng konsesyunaryo para siguraduhing maibalik ang suplay ng tubig ng mga naapektuhan noong mga nakaraang araw.
Ayon sa Manila Water, nasa 90 porsyento o 9,000 na kabahayan sa Barangay Addition Hills ang nagkaroon na ng suplay ng tubig sa mas mahabang oras mula 11:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Sabi ni Ferdinand Dela Cruz, presidente at CEO ng Manila Water, inaasahang makakamit ang 99 porsyentong service restoration sa Mandaluyong sa pamamgitan ng rotational water supply schedule na magtatagal nang walo hanggang 12 oras.
Bukod sa pagbabalik ng suplay ng tubig sa Addition Hills, sinikap din tapusin ng Manila Water ang declogging ng 105 PO bulk meters at paglalagay ng 66mm na tubo na magsisilbing extension upang mas mapabilis ang distribusyon ng tubig sa matataas na lugar at pag-refill sa mga tankers.
Nagdagdag din ito ng apat na static tanks sa Addition Hills Integrated School, DSWD Nayon ng Kabataan at Addition Hills Barangay Hall. Dalawa sa mga static tanks na ito ay may kapasidad na 10cu.m at ang dalawa naman ay may 21 cu.m.
Ang mga nabanggit na lugar sa Addition Hills ay inaasahang magkaroon ng tubig tuwing 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng gabi araw-araw. Nagpapadala rin ang Manila Water ng water tankers upang tiyakin na hindi mauubos ang suplay sa mga static tankers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.