Tatlong oras tumagal ang pulong sa pagitan ng mga kinatawan ng Senado at Mababang Kapulungan sa opisina ni Senate President Tito Sotto III.
Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na nananatiling may gusot sa pambansang pondo at hindi rin ito naplantsa kaya minabuti na tapusin na lamang ang pulong.
Hindi naman sinabi ni Lagman kung ano ang hindi naresolbang isyu.
Ayon naman kay House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya Jr., nagpaliwanagan na ang dalawang panig hinggil sa kontrobersyal na ‘itemized budget.’
Umaasa ito na sa pagpupulong muli bukas ay maayos na ang mga isyu bagama’t iuulat muna aniya sa kanilang mga kasama sa Kamara ang mga natalakay sa pulong.
Samantala, ayon kay Senate Finance Committee Chairman Loren Legarda, magrereport sila kay Sotto sa nangyari sa pulong.
Kabilang sa mga dumalo sa pulong sa panig ng Senado sina Legarda, Sen. Panfilo Lacson at Sen. Gringo Honasan habang sa bahagi ng Kamara sina Andaya Jr., Lagman at Rep. Rolando Zamora.