Hindi tumagal ng sampung minuto ang Bicam matapos hilingin ng House of Representative contingent na bigyan muna sila ng kopya ng bersyon ng senado hinggil sa 2016 proposed national budget.
Hirit ni House Majority Leader Ronaldo Zamora, kailangang mapag-aralang mabuti ng mga kongresista ang mga detalye ng budget na kanilang pagkakasunduan.
Dahil dito, muling magpupulong ang mga senador at kongresista sa pagtatapos ng linggong ito o kaya naman sa pagsisimula ng susunod na linggo.
Sa panig ng Senado, target nilang matapos ang Bicam ngayong linggo para maratipikahan sa susunod na linggo at maihain sa kay Pangulong Benigno Aquino III upang aralin at lagdaan sa December 14.
Ayon kay Senador Loren Legarda, Chairperson ng Senate Committee on Finance, kabilang sa mga inamyendahan nila ang budget ng mga State Colleges and Universities kung saan itinaas ang capital outlay at ang karagdang sampung bilyong pondo ng Department of National Defense.