Mayor at SB member ng Tubajon, Dinagat Islands arestado sa iligal na mga baril
Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang lokal na opisyal sa Tubajon, Dinagat Islands dahil sa pagkakaroon ng iligal na mga armas at mga bala.
Arestado sina Tubajon Mayor Romeo Vargas at Sangguniang Member Norlito Ticod sa operasyon ng CIDG Surigao Del Norte Field Unit, Agusan Del Norte Field Unit, Surigao Del Norte Maritime Group at Philippine National Police (PNP) Special Force Unit.
Hinuli si Mayor Vargas sa bahay nito sa Santa Cruz habang si SB member Ticod ay inaresto sa Puerto Princesa sa Basilisa Islands.
Nag-ugat ang pag-aresto sa dalawa sa bisa ng search warrant na inilabas noong March 15 ni Judge Shineta Tare Palacio ng Branch 32, 10th Judicial Region sa Surigao City.
Nakumpiska sa pag-iingat ng alkalde ang M16 rifle na may scope at bipod, magazine para sa M16, ammunition, .22 caliber magnum at air gun convertible.
Nakuha naman sa SB member ang .45 caliber pistol colt, magazine para sa nasabing baril, ammunition, empty shells para sa caliber .38 revolver at black holster.
Nahaharap sina Vargas at Ticod sa paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Ang nakumpiskang mga baril at bala ay nasa kustodiya na ng CIDG sa Surigao Del Norte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.