Inilunsad sa Cagayan De Oro City ang Regional Peacebuilding and Development Framework and Agenda (RPBDFA).
Layunin nito na magsilbing gabay sa pagtutok ng iba’t ibang sektor sa pagpapanatili ng katahimikan at pagsusulong ng kaayusan sa kabuuan ng Region 10 o Northern Mindanao.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Cagayan De Oro City Mayor Oscar Moreno na importante ang magiging papel ng RPBDFA para pag-isahin ang aksyon ng pamahalaan at private sector sa pagtulong sa ilang conflict-affected communities sa rehiyon.
Nabuo ang RPBDFA base sa ilang buwang Results Based Monitoring and Evaluation (RBME) na isinagawa ng mga kinatawan ng pamahalaan at iba’t ibang stakeholders sa rehiyon na naghahanap ng solusyon para sa pangmatagalang kapayapaan sa bahaging iyun ng Mindanao.
Sinabi ni Moreno na siya ring pinuno ng Regional Peace and Order Committee sa Region 10 na ang madalas na pakikipag-ugnayan sa komunidad ang siya pa ring maituturing na mabisang pamamaraan para sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa isang lokalidad.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office Region 10 (PRO-10), sa pagtatapos ng 2018 ay nagawa nilang maibaba ng 39 percent ang total crime volume o katumbas ng 3,576 kaso kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2017.
Kapansin-pansin dito ang pagbaba sa crimes against person, para sa physical injuries ay 40.5%, homicide ay naibaba sa 33.3%, samantalang naibaba rin sa pamamagitan ng nasabing formula ang crimes against property tulad ng theft sa 71.0% at robbery sa 65.2%.
Pati ang mga tinatawag na non-index crimes ay bumaba rin ng 33 percent o katumbas ng 2,736 kaso kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2017.
Sa kabuuan ng Region 10, ang average monthly crime rate (AMCR) per 100,000 population ay nabawasan ng 16.4 percentage points ayon sa ulat ng PNP.
Pinakamataas na porsiento sa may mababang crime incidents ay naitala sa Cagayan de Oro City (48.7 percentage points), at Misamis Oriental (24.3 percentage points).
Kasabay nito ay naging maayos rin ang crime solution efficiency para sa reference quarter kung saan ay umakyat ito sa 62 percent mula sa 51 percent noong 2017.
Ang pagbababa ng criminality rate ay nagawa ng PNP sa pamamagitan ng regular na dialogo sa mga komunidad.
Kaugnay nito ay hinamon ng Department of Interior and Local Government ang mga mamamayan na makiisa sa kampanya laban sa kriminalidad.
“The maintenance of peace and order is not the sole responsibility of the police and military. Peace can only be attained and maintained with the involvement of all stakeholders, especially the general public.” Ayon kay DILG Usec. Marivel C. Sacendoncillo
Ang paglulunsad ng RPBDFA ay proyekto ng Regional Peace and Order Council Region 10, Department of Interior and Local Government (DILG), Deutsche Gesellschaft fur Internationale Zusammenarbeit (GIZ) at Capitol University Research and Extension Office.