5 patay 10 sugatan sa aksidente sa NLEX

By Den Macaranas March 23, 2019 - 04:47 PM

Lima ang patay samantalang sampung katao naman ang sugatan sa aksidenteng naganap sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa Pampanga.

Pasado alas-dose ng tanghali kanina nang bumaligtad sa NLEX viaduct sa Brgy. Tabuyuc sa Apalit, Pampanga ang sinasakyang van ng mga biktima.

Sa panayam, sinabi ni Apalit Municipal Police Station commander Lt. Col. Elmer Decena na sumabog ang isa sa mga gulong na sinasakyan ng mga biktima kaya nawalan ng kontrol ang driver nito.

Ilang beses rin umanong bumaliktad ang nasabing van sa ibabaw ng viaduct na nagresulta sa kamatayan ng ilan sa mga biktima.

Ang mga sugatan naman at dinala sa pinaka-malapit na ospital at kasalukuyang kinukuha ng mga imbestigador ang kanilang mga pangalan.

Ang nasabing aksidente ay lumikha ng mabagal na daloy ng trapiko sa Northbound lane ng NLEX kung saan ay umabot sa Pulilan, Bulacan ang pinakadulo nito.

Pinayuhan naman ng pamunuan ng NLEX ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kundisyon ang mga sasakyan kabilang na ang mga gulong lalo na kung marami ang isasakay na mga pasahero at malayo ang rutang tatahakin.

TAGS: accident, apali, NLEX, northbound, Pampanga, van, accident, apali, NLEX, northbound, Pampanga, van

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.