64 patay sa sumabog na chemical plant sa China

AP photo

Umakyat na sa 64 ang bilang ng mga namatay sa naganap na pagsabog sa isang chemical plant sa China.

Sa ulat ng mga otoridad sa lugar, nasa higit sa dalawampung katao pa ang hindi nakikita makaraan ang malakas na pagsabog.

Nangyari ang insidente noong Huwebes sa Yancheng City.

Sinabi ng ilang mga residente na malapit sa lugar na yumanig ang kanilang paligid makalipas ang napakalakas na pagsabog na dumurog sa isang gusali sa loob ng industrial park ng Yangcheng.

Umabot naman sa 600 katao ang mabilis na isinugod sa mga ospital dahil sa iba’t ibang mga injuries kasunod ng pagsabog kung saan ay 34 sa mga ito ang nasa kritikal na kundisyon.

Sinabi rin ng mga otoridad na ang sumabog na gusali ay pag-aari ng Tianjiayi Chemical na mayroong 195 mga manggagawa.

Sinasabing may iba’t ibang uri ng chemical sa nasabing gusali partikular na ng anisole na ginagamit sa isang pesticide at isang highly combustible substance.

Ang Tianjiayi Chemical ay ilang beses nang kinasuhan ng mga otoridad dahil sa ilang paglabag sa environmental laws.

Read more...