Pagmumura ni Duterte, bahagi ng kanyang personalidad pero pinakiusapan ng PDP-Laban na bawas-bawasan ito

duterte pdiNakiusap na ang PDP-Laban kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na bawas-bawasan ang kaniyang pagmumura.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PDP-Laban President, Senator Aquilino Pimentel III na dahil bahagi na nga ng personality ni Duterte ang pagmumura, ay pinakiusapan nila ito na kung maari ay bawasan ng kaunti ang pagbibitiw ng mura, lalo na sa mga panayam.

Pero hindi naman umano nila hiniling kay Duterte na ‘totally’ ay baguhin o alisin ang bahaging iyon ng kaniyang personalidad.

Mabuti pa rin ayon kay Pimentel na makita ng taumbayan kung ano ang totoo niyang pagkatao at nasa publiko na kung tatanggapin nila ito o hindi. “Ang paki-usap namin kay Mayor Duterte, bawas-bawasan ang pagmumura niya, pero hindi naman totally na mawawala, kasi hindi na siya iyon kapag nawala na, gusto namin makita ng tao ang totoong siya,” sinabi ni Pimentel.

Sa mga pahayag naman ni Duterte kaugnay sa kaniyang ginagawang paglaban sa krimen, sinabi ni Pimentel na pinapayuhan niya ang media na i-double check ang ilang mga detalye na nababanggit ng alkalde.

Minsan kasi aniya ay ‘exaggerated’ ang mga inilalahad ni Duterte para ipakita sa mga kriminal na siya ay mas matapang.

Hinamon pa nga ni Pimentel ang mga mamamahayag na alamin kung totoo o ‘palabok’ lamang ang ilang binibitiwang kuwento ni Duterte hinggil sa kung paano niya sugpuin ang krimen sa Davao City. “Part ng exaggerations para ipakita sa mga kriminal na kung matapang sila, ay mas matapang siya,”

Kabilang sa tinukoy ni Pimentel ang kuwento ni Duterte na panununog sa ilang kriminal.

Read more...