Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, patuloy na makararanas ng mainit na panahon ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa umiiral na ridge of High Pressure Area.
Ngayong araw, makararanas ng pulo-pulong mahihinang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Batanes, Calayan Group of Islands, at Bicol Region.
Sa nalalabing bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila ay maalisangan ang panahon na may mababang tyansa ng pag-ulan.
Sa Eastern Visayas, Caraga, Davao Region ay makararanas din ng pulo-pulong mahihinang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat habang sa nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao ay mababa ang tyansa ng pag-ulan.
Ayon kay PAGASA weather specialist Meno Mendoza dahil sa deklarasyon ng PAGASA kahapon na opisyal nang nagsimula ang dry season, asahan na ang mas mainit na panahon sa mga susunod na araw.