1 patay, 5 sugatan matapos mahulog ang isang Truck at isang van sa gilid ng SLEX sa Muntinlupa City
Nasawi ang isa habang lima naman ang sugatan matapos mahulog ang isang trak at isang nakaparadang van sa gilid ng South Luzon Expressway (SLEX) sa Muntinlupa City, madaling araw ng Biyernes (March 22).
Binangga umano ng trak ang nakaparada lang na van sa lugar at nahulog sa bakanteng lote sa may bandang SLEX sa Soldiers Hills area.
Itinakbo John Lesley Diocton , 23 taong gulang isa sa apat na sakay ng van sa ospital matapos magtamo ng hiwa sa kaliwang paa at ngayon ay nasa maayos na kondisyon na.
Samantala, nakaligtas ang driver ng dump truck pero nasawi ang pahinante nitong si Esmar Tolentino.
Nasa kamay na ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ang drayber ng trak na nakilalang si Edccel Adorna.
Umamin si Adorna na nakatulog siya habang nagmamaneho kaya nabangga nila ang nakaparadang van at bumulusok sila pababa.
Ayon naman sa pahinante ng van na nakilalang si Angelito Lucio, maghahatid sana sila ng panindang toyo at suka sa Calamba, Laguna Pero nasiraan sila ng makina kaya sila pumarada sa gilid ng SLEX southbound habang naghihintay na tulong.
Nagpapasalamat naman ang residenteng si Ronalyn Malic na nakasaksi sa insidente na hindi sa kanilang bahay nahulog ang dalawang sasakyan.
Nakipag-areglo na sa kumpanya ng drayber ang mga biktima ng aksidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.