Radyo Inquirer Anchor Noel Ferrer kinilala bilang Best Male Entertainment Radio Broadcaster sa ikatlong GEMS Hiyas ng Sining Awards
Kinilala ang Radyo Inquirer at Inquirer 990 Television anchor na si Noel Ferrer bilang Best Male Entertainment Radio Broadcaster ng ikatlong Guild of Educators, Mentors and Students o GEMS Hiyas ng Sining Awards.
Ang 3rd GEMS Awards 2019 ay ginanap kahapon (March 21) sa Center of Performing Arts De La Salle Santiago Zobel School, Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City.
Iginawad kay Ferrer ang pagkilala para sa kanyang programang “Level Up with Noel Ferrer” na napapakinggan sa Radyo Inquirer at napapanood sa Inquirer 990 TV tuwing Sabado, 7:00 – 10:00 ng gabi.
Si Ferrer ay kilalang talent manager at entertainment writer.
Naging TV at record producer din siya at book author bukod pa sa pagiging host at educator.
Sa kanyang speech sinabi ni Ferrer mahalaga sa isang show na hindi lamang tsismis at promosyon ng pelikula ang tinatalakay, “Pinapangatawanan namin sa programang LEVEL UP na kaya ng mga artistang Pilipino na magsalita beyond the usual cliché promo angles. Na maliban sa tsismis at pagbebenta ng pelikula, concerts, dula at kanta, kaya rin nilang talakayin ang mga isyung panlipunan dahil katulad nating lahat, apektado rin sila sa traffic, pagtaas ng gasolina, kawalan ng tubig at elektrisidad pati na ang kontraktwalisasyon sa trabaho. “
Ilan sa mga artistang hawak ni Ferrer sina Iza Calzado at Joross Gamboa.
Si Ferrer ay nagtapos sa Ateneo De Manila University kung saan siya nagturo at naging administrator.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.