Ayon kay Batasan Police chief Police Supt. Joel Villanueva, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang guard ng subdivision kaninang ala-1:30 ng madaling araw.
Kwento ng officer, may dalawang lalaki na nagtangkang pumasok sa isang bakanteng bahay sa subdivision.
Dahil dito agad na rumesponde ang mga pulis sa sumbong pero nagtangka nang tumakas ang mga suspek.
Hinabol sila ng mga pulis at nauwi ito sa palitan ng putok ng baril na ikinamatay ng dalawa.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang mga basyo ng bala at dalawang revolver.
Samantala, sa Brgy. Nagkaisang Nayon sa Novaliches, patay din sa engkwentro ang riding in tandem na sangkot umano sa pagnanakaw ng motorsiklo.
Ayon sa QCPD Station 4, nasa tapat lamang ng isang gasolinahan ang biktimang si Ivan Manabat nang lapitan ng riding in tandem.
Pinilit ng mga ito na kunin ang motor ni Manabat.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng operasyon ang mga pulis at natunton ang mga suspek sa pamamagitan ng salaysay ng biktima at CCTV ng gasolinahan.
Nang makatunog na sinusundan sila ng mga pulis, nagpaputok ang mga suspek at nauwi ito sa engkwentro na kanilang ikinamatay.
Nakuha sa pinangyarihan ng engkwentro ang dalawang kalibre .38 na baril at motorsiklo.