Dating secretary ni former Makati Mayor Junjun Binay sugatan sa pamamaril

By Rhommel Balasbas March 22, 2019 - 12:44 AM

Sugatan sa pamamaril ang dating secretary ni Makati Mayor Junjun Binay Huwebes ng gabi.

Sa impormasyon ng Makati City Police, ang biktima ay nakilalang si Monaliza Bernardo.

Galing si Bernardo sa trabaho at nang papasok na sa kanyang bahay ay bigla na lang itong pinagbabaril ng suspek na sakay ng motorsiklo eksakto alas-8:13 ng gabi.

Matapos mamaril ay agad na tumakas ang suspek patungong South Avenue at kumaliwa pa-Barasoain Street.

Isinugod naman agad si Bernardo sa Makati Medical Center ng isang Reynaldo Bahoyo at patuloy itong binibigyang lunas.

Nagtamo ito ng tama ng bala sa kanyang kanang kamay na tumagos sa tiyan.

Ayon sa mga testigo na kinabibilangan ni Bahoyo at ng isang Ryan Oguera, mga kapitbahay ng biktima, riding-in-tandem ang mga suspek na alas-8:00 pa lamang ay nakatambay na sa lugar.

Narekober sa crime scene ang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.

Patuloy na iniimbestigahan ang motibo sa krimen at inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek.

TAGS: Makati City Police, Makati Mayor Junjun Binay, Monaliza Bernardo, pinagbabaril, Makati City Police, Makati Mayor Junjun Binay, Monaliza Bernardo, pinagbabaril

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.