Sinabi ni Angara na nakasaad sa tatlong dekada nang Republic Act 6716 ang pagpapatayo ng Rainwater Collectors sa bawat barangay sa buong bansa.
Aniya sakop ng batas ang pagkolekta ng tubig-ulan, ang treatment nito at ang proseso ng pamamahagi.
“Tatlumpung-taon na po ang batas na ito na ipinatupad noong 1989. Malaki ang maitutulong ng mahigpit na pagpapatupad nito upang maiwasan ang kawalan ng tubig at makontrol ang pananalasa ng tagtuyot,” ayon kay Angara.
Kasabay nito, sinabi din ng senador na dapat ay mamuhunan ang gobyerno sa pagpapatayo ng mga imprastraktura ng tubig para maka-agapay ang bansa sa tuwing may tag-tuyot.
Napapadalas na naman aniya ang problema sa tubig kaya’t nararapat na magkaroon ng tunay na epektibong water management system para maiwasan ang krisis sa tubig.
Matatagalan pa aniya bago matapos ang konstruksyon ng mga bagong dam kaya dapat ay simulan na ng mga pamahalaang lokal ang rainwater harvesting dahil ito ang natatanging solusyon sa suliranin.
Ang ganitong Sistema ayon sa senador ay ginagamit na rin sa karatig-bansa sa Asya tulad ng India, Malaysia, Thailand at Singapore at napatunayan namang epektibo.