Driver nagdeklara ng hijack at sinunog ang isang school bus sa Italy, 50 estudyante nailigtas
Nailigtas ang nasa 50 mga estudyante matapos na i-hijack at sunugin ng bus driver ang sinasakyan nilang school bus sa Italy.
Tupok na tupok ang bus kaya itinuturing na himala ng mga otoridad ang maayos na kondisyon ng lahat ng mga mag-aaral.
Ayon kay Milan prosecutor Francesco Greco, sakay ng bus ang 51 estudyante na pawang nasa secondary school at pauwi sana mula sa isang sports outing kasama ang tatlong guro.
Bigla na lamang umano nagbago ng ruta ang driver at saka nagdeklara ng hostage.
Armado ang driver ng dalawang canisters na mayroong petrol at may bitbit ding lighter.
Iginapos pa ng driver ang mga estudyante at pinagkukuha ang kanilang cellphones.
Pero isa sa mga mag-aaral ang nagawang makatawag sa kaniyang magulang kaya agad nakahingi ng saklolo sa mga otoridad.
Naharang ng mga pulis ang bus, agad binasag ang mga bintana para mailabas ang mga bata.
Hindi pa malinaw kung ano ang motibo ng 47 anyos na driver pero isinantabi na ang anggulong may kaugnayan ito sa terorismo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.