DOF: China popondohan ang 2 railway projects sa Luzon, Mindanao
Dalawang railway projects sa Central Luzon at Mindanao ang popondohan ng China sa pamamagitan ng utang.
Ayon kay Finance Sec. Carlos Dominguez, sa courtesy visit ng delegasyon ng Pilipinas kay China Vice President Wang Qishan sa Beijing noong Martes ay nagkasundo ang Pilipinas at China na sisimulan na ang implementasyon ng dalawang rail projects.
Ito ang Subic-Clark Railway Project at ang Mindandao Railway Project.
Ang P50.03 bilyong halaga ng Subic-Clark Railway Project na magkokonekta sa dalawang freeport zones sa Central Luzon ay magkakaroon ng kabuuang konstruksyon ng 71.13 kilometrong riles kabilang ang 64.19 kilometer mainline sa pagitan ng Clark Freeport Zone at Subic Bay Freeport Zone at ang 6.94 kilometer spur line na magkokonekta sa Subic Bay Port New Container terminal.
Ang naturang railway ay may exclusive right of way na parallel sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx).
Ayon sa NEDA, sisimulan ang konstruksyon ng Subic-Clark Railway sa July ngayong taon at matatapos sa July 2022.
Habang ang unang phase ng Mindanao Railway Project ay tatakbo sa 102 kilometer non-electrified, single-track rail sa mga syudad ng Digos, Davao at Tagum sa Davao Region.
Sisimulan ang konstruksyon nito ngayon ding taon at matatapos rin sa 2022.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.