Pinsala ng mahinang El Niño higit P1B na

Pumalo na sa higit isang bilyong piso ang naging pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura.

Batay sa ulat ng Field Programs Operational Planning Division ng Department of Agriculture (DA) , nasa P1.33 bilyon na ang pinsala sa agrikultura ng El Niño.

Mabilis ang naging paglobo nito dahil noong nakaraang linggo lamang ay P464 milyon pa lamang ang pinsala.

Umabot na sa 78,343 metriko tonelada ang nasirang pananim.

Ang mga apektadong magsasaka at mangingisda ay umabot na sa 84,932 habang ang mga agricultural area na nasira ay may lawak na 70,353 hectares partikular sa Regions 2, 7, 11, 12 at MIMAROPA.

Patuloy ang isasagawang field validation ng DA para sa assessment ng pinsala habang babantayan din ang mga pananim na nanganganib na masira.

Nakastandby na umano ang ahensya para ilabas at gamitin ang Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga lugar na apektado ng El Niño.

Hindi tulad ng calamity fund, magagamit agad ang QRF dahil hindi nito kailangan ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) at pag-apruba ng Office of the President.

Sa ngayon ay nasa higit-kumulang P800 milyon pa ang QRF ng kagawaran.

Read more...