Gusot sa pagitan ng Senado at Kamara sa budget tatapusin sa loob ng limang araw
Binawi na ng liderato ng Kamara ang budget books na may kaugnayan sa 2019 General Appropriations Bill na ipinadala sa Senado.
Ayon kay House Appropriations Committee Chair Rolando Andaya Jr., nagtungo sa Senado si House Secretary-General Roberto Maling upang bawiin ang mga dokumento.
Ito ay kasunod ng naging kautusan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na ayusin ang gusot sa pagitan ng Senado at Kamara may kaugnayan sa panukalang 2019 budget.
Ipinag-utos din anya ni Arroyo ang pagbuo ng 3-man House team na silang makikipag usap sa mga senador upang resolbahin ang nagbabanggang probisyon sa 2019 budget kabilang na sina Andaya, Albay Rep. Edcel Lagman at San Juan Rep. Ronaldo Zamora.
Limang araw ayon kay Andaya ang ibinigay ni Speaker GMA upang maresolba ang budget impasse.
Gayunman, nanindigan ang kamara na hindi nila binabawi ang bersyon ng kanilang inaprubahang budget sapagkat wala silang ginawang labag sa saligang batas at iregularidad.
Umaasa naman ang kamara na magkakasundo ang dalawang kapulungan sa mga hindi pinagkakasunduan sa panukalang pondo.
Samantala, ayon naman sa lider ng Magnificent 7 sa Kamara na si Albay Rep. Lagman, constitutional ang kanilang inaprubahang budget dahil bilang lider ng oposisyon ay hindi siya susuporta sa hakbang ng Mababang Kapulungan na mayroong iregularidad.
Umaasa naman si House Majority Leader Fred Castro na ang naging pahayag ni Lagman ay maaring makakumbinse sa Senado na tama ang posisyon ng Kamara sa inaprubahang budget.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.