Handa nang bumaba sa kanyang pwesto si Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) administrator Reynaldo Velasco.
Ito ang reaksyon ng opisyal sa mga tanong kung nakahanda ba siyang iwan ang kanyang pwesto makaraan ang naganap na kakapusan sa suplay ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Velasco, walang problema na bumaba siya sa pwesto kapag hindi niya kinaya ang kanyang trabaho.
Iyun din ang naging pahayag sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraan silang ipatawag sa MalacaƱang kagabi kasama ang mga opisyal ng Manila Water Co. at Maynilad Water Services.
Binigyan ng pangulo nang hanggang sa April 7 ang mga opisyal ng Manila Water Co, Maynilad at MWSS para isumite ang kanilang ulat sa kung ano ang nangyari at nagkaroon ng kakapusan sa water supply.
Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sa simula pa lamang ng pulong ay sinabi na ng pangulo na ayaw niyang marinig ang paliwanag o palusot ng mga opisyal sa nangyaring water shortage.
Bukod sa pagsibak sa pwesto, nanganganib naman na ibasura ng pangulo ang kontrata ng Maynilad at Manila Water Co. sa pamahalaan kapag hindi naayos ang supply ng tubig sa mga darating na araw.