5 patay sa magkakahiwalay na insidente sa Laguna at Cavite

Lima ang nasawi kabilang ang 4 na drug suspects at 1 hinihinalang biktima ng summary execution sa magkakahiwalay na insidente sa Laguna at Cavite.

Sa San Pedro City, natagpuang tadtad ng tama ng bala ang isang lalaki sa Barangay Langgam, alas 2:45 ng madaling araw.

Ayon kay Supt. Guivannie Martines, San Pedro police chief, hindi pa nakikilala ang biktima na nakapiring ang mata at may electric tape sa kamay at paa.

Samantala, San Pedro pa rin, nasawi sa ikinasang buy-bust operation ang isang drug suspek sa Barangay San Antonio alas 3:40 ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Baltazar Lagunoy na nagpaputok ng kaniyang baril sa mga otoridad dahilan para siya ay barilin ng mga pulis.

Maliban sa pagtutulak ng shabu, suspek din si Lagunoy sa panggagahasa sa kaniyang stepdaughter.

Sa parehong oras, nasawi din ang isa pang drug suspect na kinilalang si Cesar Hilaga sa Barangay Baclaran sa Cabuyao City.

Ayon kay Laguna police director, Sr. Supt. Eleazar Matta, nanlaban din si Hilaga sa buy-bust operation ng mga otoridad.

Nakuha sa kaniya ang 38 caliber na baril, isang sachet ng shabu at bag na naglalaman pa ng limang sachet ng shabu.

Sa Binan City naman, patay din ang drug suspect na si Jimmy Ignacio matapos manlaban sa mga pulis na nagpanggap na buyer ng illegal na droga.

Nagawang makabili ng poseur buyer ng P1,000 na halaga ng shabu pero sa halip na sumuko ay nagpaputok ito ng baril.

Sa Indang, Cavite naman patay ang suspek na si Francisco Gallanero sa Barangay Bancod.

Nanlaban din umano si Gallanero sa mga pulis dahilan para mauwi sa engkwentro ang operasyon.

Read more...