Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, sa backdoor ng Pilipinas idinaan ang mga ilegal na droga.
Finished products na aniya nang ito ay dumating sa bansa at maaring galing ng Malaysia, Indonesia o Thailand.
Dagdag pa ni Aquino, mayroon din silang mga nasabat na ilegal na droga sa Mindanao na gaya ng mga nasabat sa Ayala, Alabang ay itinago ito sa tea bags at saka isinilid sa lata ng biskwit.
Tatlong buwan aniyang sumailalim sa surveillance ang operasyon ng mga suspek bago isinagawa ang buy-bust operation sa Festival Mall sa Muntinlupa at sa high-end subdivision sa Ayala, Alabang.
Kasabay nito, sinabi ni Aquino na nakipag-usap na siya sa mga opisyal at miyembro ng homeowners association sa Ayala, Alabang para maging maingat sila sa pagpapaupa ng mga bahay.
Mahalaga ani Aquino na ang mga pinarerentahang bahay sa nasabing exclusive subdivision ay i-red flag na.
Dapat ding maisailalim sa profiling ang mga nagrerenta sa mga bahay upang matukoy ang kanilang background.