Pagdaraos ng PhilSAT admission test tuloy na sa April 7
Tuloy ang pagsasagawa ng Legal Education Board ng Philippine Law School Admission Test o PhilSAT sa Abril 7.
Batay sa Legal Education Board Memorandum Circular No. 27, sinabi na hindi ipinahinto at walang inilabas na TRO ang Korte Suprema laban sa pagdaraos ng PhilSAT kaya tuloy ito gaya ng naunang schedule sa April 7.
Ayon sa LEB, ang pinigil ng Supreme Court ay ang implementasyon sa Memo Circular No. 18 na nagbabawal na makapagenrol conditionally sa mga law schools ang mga estudyanteng hindi nakapasa at bigong makakuha ng PhilSAT.
Binanggit ng LEB na tutugon sila sa kautusan ng Korte Suprema na payagan makapag-enrol pansamantala o nang may kondisyon ang mga hindi nakakuha ng admission test alinsunod sa Memo Circular 11.
Ang mga maaring makapag-enrol conditionally para sa unang semestre ng academic year 2019-2020 ay:
1. Ang mga hindi nakakuha ng PhilSAT
2. Ang mga kumuha sa exam pero hindi nakapasa
3. Ang mga pumasa pero mayroong expired na Certificate of Eligibility
4. College honor graduates na walang Certificates of Exemption; at
5.College honor graduates na may expired na Certificates of Exemption
Pero nilinaw ng LEB na para hindi mapawalang-bisa ang kanilang conditional enrolment ay dapat makakuha at makapasa sila sa susunod na schedule ng exam sa Setyembre ngayong taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.