Nais ng Senado na may managot sa nararanasang water shortage sa Metro Manila.
Sa pagdinig sa Senado araw ng Martes, ipinag-utos ni Committee on Public Services head Sen. Grace Poe na solusyonan ang krisis sa tubig.
Anya, marami nang tinitiis ang mga Filipino at hindi na dapat itong dagdagan pa.
Iginiit naman ni Sen. Risa Hontiveros na dapat may managot at hindi dapat makuntento lamang ang publiko sa paghingi ng mga opisyal ng sorry.
Anya, kapag na-late ng pagbayad sa tubig ang consumers, itinutuloy naman ang pagputol sa tubig kahit mag-sorry pa ng 1,000 beses.
“Okay na ba tayo sa sorry lang? Pero kapag na-late nga tayo sa pagbayad ng tubig, puputulan tayo ng serbisyo kahit mag-sorry tayo ng 1,000 beses,” giit ng senadora.
Sa pagdinig sa Kamara araw ng Lunes, nauna nang sinabi ni Manila Water President Ferdinand dela Cruz na aakuin niya ang pananagutan sa krisis sa tubig.
Maliban kay Dela Cruz, dumalo ng pagdinig ng Senado kahapon sina Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Administrator Reynaldo Velasco at Chief Regulator Patrick Ty.