Babantayan ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC ang paggamit ng PCOS machines sa eleksyon sa susunod na taon.
Iyan ang sinabi ni VACC founding Chairman Dante Jimenez sa pangambang magkaroon ng malawakang dayaan sa eleksiyon gamit ang mga naturang makina.
Ayon kay Jimenez, hindi maiaalis na gamitin ang PCOS machines sa pandaraya sa halalan lalo’t marami na aniyang mga alegasyon ng dayaan kahit pa automated na ang botohan.
Nanawagan din ang VACC sa Comelec na ibalik ang apat na security features ng mga voting machines na kinabibilangan ng source code, ultra violet detectors, voters’ verification paper audit trail at digital signatures.
Giit ni Jimenez, kapag hindi ibinalik ng Comelec ang naturang mga security features ng PCOS machines ay mapipilitan silang mag-ingay araw- araw at idulog sa Korte Suprema ang usapin.
Sa kanilang panig, sinabi naman ni Comelec spokesman James Jimenez na bukas ang kanilang tanggapan sa lahat ng mga tanong at panukala mula sa ibat-ibang mga grupo para mas maging maayos at katanggap-tanggap ang resulta ng susunod na halalan.