Sa pagdinig ng House Oversight Committee on Metro Manila Development sa water crisis, tinukoy ni Dy ang Cardona treatment plant na bahagi ng business plan ng Manila Water noong 2008.
Makapagbibigay sana ang planta mula sa Laguna Lake ng 100 million liters ng tubig kada araw, subalit nagsimula ang partial operation nito noong March 14, walong araw matapos maranasan ang water shortage.
Kinumpirma ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty na kasama sa binabayaran ng consumers ang naturang planta, bagay na inalmahan ng kongresista dahil hindi umano ito naaayon sa concession agreement.
Samantala, umapela naman si Dy kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-demote sina Ty at Administrator Reynaldo Velasco at palitan sila ng mga taong eksperto sa MWSS at alam ang tungkulin.
Iminungkahi rin niya ang paglikha ng bagong tanggapan sa ahensya na tututok sa asset management at audit valuation ng lahat ng water facilities na itinayo ng concessionaires.