Basurang itinambak sa Dagami, Leyte, inaalam na kung sino ang nagpatapon
Iniimbestigahan na ng pulisya sa lalawigan ng Leyte ang nadiskubreng daan-daang sako na may lamang mga nabubulok na bigas at mga relief goods na itinambak sa isang open dumpsite.
Ang nasabing mga bulok na bigas at relief goods na nakalagay sa mga sakong may tatak na National Food Authority (NFA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay sinasabing itinapon sa isang basurahan sa Brgy. Macaalang Dagami Leyte.
Sinabi ni Dagama PNP Station Commander Insp. Anthony Florencio na batay sa kanilang imbestigasyon ay tuwing gabi itinatapon ang nasabing mga bulok na bigas at relief goods.
Tumanggi rin daw na magsalita ang ilang mga residente pati ang mga Barangay officials sa lugar.
Nauna dito ay sinabing ilang tipsters na posibleng galing sa bodega ng NFA at DSWD ang nasabing mga kargamento na para sana sa mga biktima ng bagyong Yolanda noong 2013.
Bagaman ayaw niyang kumpirmahin, sinabi ni Florencio na malaki rin ang posbilidad na bahagi ang mga ito ng mga relief goods na hindi naibigay ng pamahalaan sa mga biktima ng bagyo.
Magugunitang hindi ito ang unang pagkakataon na may nai-report na mga itinapong relief goods mula sa pamahalaan kaugnay sa naganap na pananalasa ng bagyong Yolanda.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga opisyal ng DSWD at NFA sa Eastern Visayas kaugnay sa nasabing mga nadiskubreng mga ulok na bigas at mga sirang relief items.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.