18-anyos na lalaki, arestado sa pagnanakaw ng cellphone sa Maynila

Timbog ang isang 18-anyos na lalaki makaraang dalawang beses na mang-agaw ng cellphone sa Sampaloc, Maynila, Lunes ng gabi.

Nakilala ang suspek na si Arvin Oransa at nakatakas naman ang kasabwat nitong si Jomar Monyo.

Ayon kay Sampaloc Police PIO Sr. Insp. Philipp Ines, sakay ng motorsiklo ang dalawa at unang nagnakaw sa isang babae pasado alas-7:00 ng gabi.

Makalipas lamang ang isang oras ay nanghablot na naman ang dalawa ng cellphone sa isang lalaking pasahero ng jeep.

Nakuyog ng mga baranggay tanod at residente sa lugar ang mga suspek hanggang maaresto si Oransa ngunit nakatakas naman si Monyo.

Bitbit nang nakatakas na suspek ang kanilang mga ninakaw.

Depensa ni Oransa, kailangan niya lamang ng pera para sa may sakit na pamangkin.

Mahaharap si Oransa sa kasong robbery snatching habang patuloy namang tinutugis ng mga pulis si Monyo.

Read more...