Bagyong Chedeng napanatili ang lakas habang papalapit sa Davao Occidental
Napanatili ng Bagyong Chedeng ang lakas nito habang papalapit sa eastern coast ng Davao Occidental.
Ayon sa 2 a.m. severe weather bulletin ng PAGASA, tatama sa kalupaan ang bagyo sa pagitan ng alas-2:00 hanggang alas-6:00 ngayong umaga.
Inaasahang hihina na ito at magiging low pressure area (LPA) na lamang matapos maglandfall sa eastern coast ng Davao Occidental.
Huling namataan ang bagyo sa layong 135 kilometro Silangan ng General Santos City.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang tropical depression sa direksyong Kanluran Timog-Kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Nakataas ang signal no. 1 sa mga susunod na lugar:
- Davao Oriental
- Compostela Valley
- Davao del Sur
- Davao City
- General Santos City
- Davao Occidental
- Timog na bahagi ng Davao del Norte kabilang ang Samal Island
- Silangang bahagi ng North Cotabato
- Silangang bahagi ng South Cotabato
- Silangang bahagi ng Sarangani
- at Silangang bahagi ng Sultan Kudarat
Makararanas ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ngayong araw ang halos buong Mindanao partikular ang Surigao del Sur, Agusan del Sur, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at mga bahagi ng Bangsamoro at Zamboanga Peninsula.
Pinag-iingat ang mga residente lalo na sa mga mabababang lugar sa posibilidad ng pagbaha gayundin ang mga lugar na posible ang pagguho ng lupa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.