Kasong murder isinampa laban sa 17-anyos na suspek sa pagpatay kay Silawan

CDND photo

Sinampahan ng pamilya ni Christine Lee Silawan at ng National Bureau of Investigation ng murder at cybercrime complaints ang 17-anyos na binatilyo na sinasabing primary suspect sa pagpatay sa dalagita.

Noong nakaraang linggo ay natagpuan si Silawan na walang buhay, tadtad ng saksak, walang saplot pang-ibaba at binalatan din ang kanyang mukha.

Ang mga reklamo ay isinampa sa Lapu-Lapu City Prosecutor’s Office.

Ayon sa parallel investigation ng NBI-7, ang 17 anyos na suspek ay kinilala ng ‘credible witnesses’ na huling kasama ni Silawan habang naglalakad patungo sa direksyon ng bakanteng lote kung saan natagpuan ang bangkay ng dalagita.

Nadiskubre rin ng NBI na bago ang insidente ay may kapalitan ng chat sa Facebook si Silawan kung saan nag-usap ang dalawa na magkikita sa simbahan malapit sa Barangay Pajac.

Ang 17 anyos na binatilyo lamang ang tanging kinatagpo ng biktima ayon sa affidavit ng NBI-7.

Credit: Cebu Daily News Digital

Samantala, lumabas sa CCTV footage na ang 17-anyos na lalaki nga ang kasama ng biktima bandang alas-6:00 ng gabi.

Makikita na nag-aaway ang dalawa habang naglalakad at ayon sa NBI, posibleng ‘selos’ ang motibo sa krimen.

Nasa pagitan ng alas-6:00 hanggang alas-7:00 ng gabi pinatay si Silawan.

Posible umanong hindi mag-isa ang suspek ng ginawa ang krimen kaya’t hindi pa sarado ang kaso at hahanapin pa ang ibang salarin.

Read more...